Tapusin ang kultura ng karahasan! Linisin ang hanay ng kapulisan!
Kamakailan ay ginulantang ang sambayanan ng isang bidyo na nagpapakita kung paano walang kaabog-abog na binaril ng pulis na si Master Seargent Jonel Nuezca ang mag-inang Sonya at Frank Gregorio [1]. Naganap ito habang tirik ang araw at napalilibutan sila ng ibang mga tao. Sang-ayon pa sa mga saksi, tila walang nangyaring umalis ang kriminal kasama ang menor-de-edad niyang anak, na ngayon ay maaaring dumaraan sa matinding trauma, matapos gawin ang krimen [1] [2]. Ang ganitong uri ng karahasan ay isa lamang sa kabila-kabilang pagpaslang na ginawang normal na kalakaran sa mga nakalipas na taon. Ito ang kultura ng impunidad na siyang bumalot sa buong bansa at pinapalawig pa ng kapulisan na sila pa namang nanumpa na magbibigay proteksiyon sa mamayan.
Taliwas sa winika ni DILG Secretary Año na “isolated case” lamang ang pangyayari [3], hindi ito ang unang beses na mismong pulis ang gumawa ng karumal-dumal na krimen. Bumabalik ito sa pagpaslang kay Kian delos Santos at Carl Angelo Arnaiz noong 2017 [4] [5], mga halimbawa kung paano tinamnan ng ebidensiya ng mga pulis ang mga biktima upang gumawa ng mga kasinungalingan at gawing “katanggap-tanggap” ang pagpaslang sa balatkayo ng legal anti-drug operation sa Giyera kontra droga ng administrasyong Duterte.
Halos kaparehong istilo rin ang ginawang pagpaslang sa beterano ng Marawi na si Winston Ragos at sa apat pang sundalo sa Jolo, Sulu ilang buwan na ang nakararaan [6] [7]. Hindi rin dapat limutin ang umano’y pamumugot ng ulo ng mga pulis Baguio sa isang drug suspect sa lunsod [8].
Marami pang naganap na pagpaslang sa bansa at ang nakababahala, hindi sa lahat ng pagkakataon ay nadodokumenta ang mga ito. Kaya naman nakapapangilabot isipin kung gaano karaming krimen na kinasangkutan ng mga pulis ang hindi nahagip ng kamera; kung gaano karaming Pilipino ang pinatay sa kubli ng dilim at matapos lagyan ng ilang pakete ng droga sa bulsa o di kaya naman ay kalibre-38 sa kamay ay palalabasing “nanlaban.”
Kami, ang UP Oroquieta, ay mariing kinokondena ang bawat nangyayaring pagpaslang na kinasasangkutan ng pulisya. Sigaw namin ang hustisya para sa lahat ng biktima ng police brutality at ng kultura ng impunidad na kanilang pinalaganap sa buong bansa. Ang bawat krimeng konektado rito ay tahasang pagyurak sa karapatang pantao ng bawat Pilipino at pambababoy sa sinumpaang tungkulin ng pulisya na pagsilbihan at protektahan ang mamamayan.
Hinahamon namin ang PNP na papanagutin si Nuezca, gayundin ang lahat ng mga pulis na dawit sa mga pagpatay na hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyang-hustisya.
Kagaya ng tindig ng UNICEF [2], kinokondena rin namin ang patuloy na pagturing sa anak ni Nuezca bilang kriminal dahil biktima lang din siya ng maling pagpapalaki ng kanyang ama. Huwag natin isisi sa bata na kulang sa tamang pagpapalaking nasasandig sa moralidad at paggalang sa Karapatang pantao ang kanyang nasabi sa bidyo. Hayaan natin ang mga psychologists at social workers na matulungan ang bata mula sa kanyang tinamong trauma bunsod ng krimen.
Nanawagan naman kami ng agaran at malawakang reporma sa hanay ng kapulisan upang sa ganoon ay hindi na maulit pa ang ganitong karumal-dumal na krimen mula sa kanilang hanay. Iminumungkahi namin ang:
Malawakang psychiatric at drug testing sa hanay ng kapulisan;
Pagpapatibay sa Human Rights Affairs Office ng PNP;
Pagsiguro na ang mga nagbabalak pumasok sa pulisya ay may matatag na moral, emosyonal, at espiritwal na pamantayan; at
Pagpapatalsik kay Debold Sinas sa bilang hepe ng PNP dahil sa kanyang pagkakasangkot sa pagpatay sa mga magsasaka ng Negros, gayundin sa paglabag niya sa mga health protocol na ipinatutupad na community quarantine.
Gayunpaman, higit na may mangyayaring pagbabago sa kapulisan at sa ating lipunan kung hindi mananatili sa Malacañang ang mga taong pasimuno ng ganitong uri ng paglapastangan sa karapatang pantao. Hindi nararapat bigyan ng kapangyarihan ang mga taong walang ibang bukambibig maliban sa pumatay, pumatay, at pumatay. Tandaan na hindi kailanman bigay ng Diyos ang mga nagbibigay-apog sa kapulisan para isipin ang pagkakaroon ng tsapa at baril ay nangangahulugan na sila na ang batas.
Sanggunian:
CNN Philippines Staff (2020, December 21). Cop who shot mother and son in Tarlac to face charges. CNN Philippines. Retrieved December 23, 2020 from https://www.cnnphilippines.com/.../Paniqui-Tarlac-police... Sarao, Z. (2020, December 23). ‘Child is also victim:’ Unicef asks public to stop vilifying Nuezca’s daughter. Inquirer.net. https://newsinfo.inquirer.net/.../child-is-also-victim... Ranada, P. (2020, December 21). Año condemns Tarlac shooting but calls it ‘isolated’ incident. Rappler. https://www.rappler.com/.../dilg-ano-statement-paniqui... Tan, L. (2018, November 29). 3 cops found guilty of murdering Kian delos Santos. CNN Philippines. https://cnnphilippines.com/.../Kian-delos-Santos-murder... Cayabyab, M. J. (2019, August 28). As witness go missing, Justice for Kian, Carl and ‘Kulot’ awaited. OnePH. https://onenews.ph/as-witnesses-go-missing-justice-for... Buan, L. (2020, June 04). NBI: Cops murdered Winston Ragos, planted evidence. Rappler. https://www.rappler.com/.../nbi-conclusion-cop-murdered... CNN Philippines Staff (2020, June 29). Four soldiers dead in Jolo ‘shooting’ incident with PNP. CNN Philippines. https://www.cnnphilippines.com/.../soldiers-dead-jolo... Quitasol, K. (2020, December 17). Cops tagged in Baguio abduction, murder. Inquirer.net. https://newsinfo.inquirer.net/.../cops-tagged-in...
Comments